Wednesday, October 16, 2024

MGA HAKBANG SA LINGGUWISTIKONG ETNOGRAPIYA

 PANANALIKSIK SA MGA KAUGNAY NA LITERATURA

Bilang panimulang gawain,napakahalaga na malaman o maging maláy sa lahat ng mga sa naisagawa nang saliksik. Bukod sa magbibigay ito ng mga konseptong maaaring maging gabay sa pananaliksik/pagdodokumento, malalaman din sa pamamagitan nito ang mga nagawa/natapos nang pag-aaral tungkol sa wikang nais saliksikin o anumang maaaring kaugnay sa wika. Magiging batayan ito ng mga kailangang saliksikin pa at likumin hinggil sa wikang nais pag-aralan at/o idokumento. Sa ganitong paraan, ang isasagawang pagdodokumento ay pagbabalida na rin ng mga datos sa mga nauna nang pag-aaral. Hangga’t maaari alamin ang mga kilalang iskolar na nag-aral sa wikang iyon. Ang mga tunay na iskolar ay interesadong makipag-ugnayan sa sinumang nagpapakita ng tapat na interest sa kanilang gawa. Kailangan maging lubusang pamilyar sa lahat ng pag-aaral sa wika o sa pamilya nito. Ang diyakroniko at komparatibong mga obserbasyon ay makapagbibigay ng mga gramatikal na paglalarawan sa bawat panahon at magbibigay din ng magandang idea kung saan aangkop ang kasalukuyang saliksik sa kabuoang pamamaraan ng pagdodokumento/pag-aaral (Payne, 1997,15).

Ang mga nauna nang pag-aaral ay magbibigay din ng magandang pangkalahatang introduksiyon sa wika at sa pamilya nito. Dapat itong tingnan bilang panimula sa mas detalyado at lubusang pananaliksik (Voegelin and Voegelin,(1997) at B. Grimes (1992), nasa Payne, 1997, 15).

2. Pagtukoy sa lawak ng pananaliksik. Mahalagang tukóy at malinaw ang lawak o mga adyenda o sa pananaliksik bago magtungo sa fild (Paz, 2005, 8). Ito ang magbibigay ng direksiyon sa gagawing pananaliksik. Dito nakalahad ang saklaw at limitasyon ng pananaliksik/pag-aaral. Sa hakbang na ito matutukoy ang mga paksang tutugunan ng pananaliksik.

a. Heograpiya ng Lugar

  • Topograpiya
  • Demograpiya

b. Pagkakakilanlan ng Pangkat

  • Identidad ng Pangkat
  • Lokasyon at Distribusyon
  • Ethnolinguistic Background/Migrasyon

c. Sitwasyong Pangwika

  • Deskripsiyon ng Wika
  • Mga Varayti ng Wika
  • Sosyolingguwistika
  • Wikang Ginagámit sa Bawat Dominyo
  • Ugali at Pagtanaw sa Wika

d. Estruktura ng Lipunan/Komunidad

  • Pamilya
  • Pagkakamag-anak (kinship)
  • Pakikipag-ugnayan sa komunidad

e. Estruktura/Sistema ng Pamamahala

  • Kapangyarihan/Pamumunò
  • Batas/Tuntunin
  • Sistemang Panghustisya

f. Sistemang Pangkabuhayan
  • Produksiyon
  • Pangangaso
  • Pangingisda
  • Pagtatanim
  • Pangunguha ng pulut-pukyutan
g. Relihiyon
  • Mga Sinaunang Paniniwala at Gawi
  • Pagbabago/Kasalukuyang Kinaanibang Relihiyon
h. Materyal na Kultura at Tradisyon Sining (paghahabi, pagbabasket, atbp) Literatura Musika at mga instrumento Sayaw Arkitektura Damit Mga dekorasyon at palamuti Ibá pang mga kaugalian

i. Siklo ng Búhay
  • Paglilihi at Panganganak
  • Pagkabatà
  • Pagbibinata/Pagdadalaga
  • May sapat na gulang
  • Pag-aasawa
  • Katandaan
  • Kamatayan/Dami ng namamatay
j. Partisipasyon sa Pambansang Kultura
  • Edukasyon
  • Kalusugan/Medisina
  • Transportasyon at Komunikasyon
  • Politika
k. Pagtanaw At Tugón Ng Pangkat Sa Kalagayan Ng Kanilang Wika At Kultura

3. Pagtukoy sa kabuoang erya ng wikang idodokumento (Griño, 2011,9). Makatutulong kung sa umpisa pa lamang ay matukoy na ang lawak ng lugar ng wikang idodokumento. Saan ito sinasalita at paano ang distribusyon ng mga tagapagsalita ng wikang nais pag-aralan. Sa pamamagitan nito ay matutukoy ang mga lugar at maiaayos ang iskedyul ng fildwork.

4. Pagtukoy sa paraan ng pananaliksik (Paz, 2005, 30)

4.1. Lingguwistik na paraan. Mahalaga ito sapagkat wika ang pangunahing tuon ng proyekto. Sa pamamagitan nito malalaman ang mga unibersal o magkakaparehong elemento ng ibá’t ibáng wika, kung pag-aaralan ito batay sa aktuwal na gámit ng mga nagsasalita nitó. Maaaring ilawaran ang ibá’t ibáng anyo ng wika batay sa edad, seks, istatus sa búhay,at trabaho. Malaki ang pangangailangang gamitin ang paraang ito upang matugunan ang mga impormasyon hinggil sa deskripsiyon ng wika gayundin sa pagtukoy ng sitwasyon ng wika batay sa EGIDS.

4.2. Etnograpikong paraan. 

Ang pangunahing paraan na ginagamit ng isang ethnographer ay ang pagiging participant observer niya kapag nasa komunidad. Ito ay pagmamasid sa pang-araw-araw na ikinikilos ng grupo habang nakapaloob at namumuhay siya sa komunidad. Bukod sa pagmamasid mahalaga din ang pakikilahok sa mga gawain ng komunidad habang nakatira ang mga mananaliksik sa komunidad. Mahalaga ang pagmamasid at pakikilahok upang maunawaan ng mananaliksik ang realidad ng pang-araw-araw na kilos ng komunidad. Bukod dito, isang karanasan sa pananaliksik ang magkaibáng impormasyong nakukuha sa interbiyu at sa pagmamasid. Kaya mahalagang isagawa ito pareho upang ma-validate ang bawat impormasyong nakukuha.

4.3. Historikal na paraan. 

Sa paraang ito higit na mahalaga ang mga impormasyong ibibigay ng mga nakatatandang miyembro ng komunidad sapagkat sila ang nakaobserba at nakaranas ng mga bagay na nangyari sa komunidad o sa pangkat mula noong “di pa matagal na panahong lumipas.” Sa mga komunidad na wala o halos walang dokumentadong kasaysayan, ang mga naaalala ng mga táong may personal na karanasan ang pinakamahalagang source ng nakaraan o oral-history. Makatutulong din nang malaki kung may mga naunang pag-aaral na tumatalakay sa kasaysayan ng isang komunidad. Kailangang makalap ang mga dokumentong ito at gawan ng malalimang data analysis. Sa pamamagitan nito, matutugunan ang bahagi ng pagtalakay sa pandarayuhan at kasaysayang politikal ng isang pangkat o komunidad.

5. Pagbuo ng team ng mananaliksik para sa bawat wika.
 Ang isang team ay maaaring binubuo ng dalawa o tatlong mananaliksik (ang isa ay magsisilbing lider/punò), isang photographer, at isang videographer. 5.1. Punòng Mananaliksik. Magsisilbing lider ng buong team. Sa kaniya nakasalalay ang buong gawaing pananaliksik sa fild. Pangangasiwaan niya ang lahat ng gawain at miyembro ng team. Siya ang magsusulat ng pag-aaral o mangunguna sa pagsusulat. 5.2. Katuwang na mananaliksik. Tutulong sa pananaliksik sa pamamagitan ng pagtatala ng pagrerekord ng interbiyu, pagsisinop ng mga datos, pangangalaga ng mga gamit at suplays, gayon din, pagsasagawa ng maaaring italagang gawain ng lider.

5.3. Photographer.

 Gampanin niyang kuhanan ng may kalidad na larawan ang lahat mahahalagang detalye habang nasa fild, lalo na ang mga natural na kilos ng komunidad sa bawat araw.

5.4. Videographer. 

Gampanin niyang kuhanan ng may kalidad na video ang lahat mahahalagang detalye habang nasa fild lalo na ang mga natural na kilos ng komunidad sa bawat araw.

5.5. Guide. 

Siya ang magiging kasama sa buong pananatili ng team sa komunidad. Maaaring hilingin ito sa lokal na pamahalaan o sa tanggapan ng NCIP. Mahalagang ang kasamang guide ay kilala sa komunidad. Dapat ding marunong mag-Filipino at ng wika ng katutubong pangkat o hangga’t maaari ay miyembro ng pangkat. Maaari ding sa komunidad na mismo kumuha ng magiging guide sa araw-araw na gawain. Mahalaga ang gampanin ng guide dahil siya ang magiging tulay sa pagkakaroon ng magandang ugnayan ng team at ng komunidad. Siya rin ay magsisilbing informant hinggil sa lugar, mga táong dapat kapanayamin, at ibá pang kailangan sa pananatili sa komunidad.
Marapat lamang na ang buong team ay handa sa lahat ng gawain sa fild, mapateknikal o domestik na gawain.

6. Pakikipag-ugnayan sa LGU at/o NCIP. 

Makipag-ugnayan sa lokal na pamahalaan at/o sa NCIP para sa prosesong isinasagawa bago pumunta sa komunidad ng mga katutubo. Ito ay upang maging opisyal ang pakikipag-ugnayan sa mga katutubo at para sa seguridad ng mga mananaliksik. Bukod pa na ang kanilang tanggapan mismo ay mapagkukuhanan ng mahahalagang impormasyon tungkol sa katutubong idodokumento. Malaki ang maitutulong kung mayroong makukuhang kopya sa NCIP ng Ancestral Domains Sustainable Development Protection Plan (ADSPP) na naglalaman ng mga kaugalian at tradisyon ng katutubong pangkat. Sa tanggapan ng lokal na pamahalaan maaari namang makuha ang mga impormasyon tungkol sa lugar ng mga tagapagsalita ng wikang nais saliksikin, populasyon, mga programa ng pamahalaan sa komunidad at ibá pa. Maaari ding makatulong ang lokal na pamahalaan sa mga pasilidad na kakailanganin ng research team, tulad ng transportasyon, komunikasyon, tirahan, koneksiyon, at ibá pa.


7. Pakikipagpulong sa komunidad ng pangkat ng wikang idodokumento.

 Pagkatapos ng pakikipag-ugnayan sa LGU at/o NCIP, makipagpulong kung hindi man sa buong komunidad ay sa pamunuan ng komunidad. Layunin ng pulong na humingi ng pahintulot na maidokumento at makalikom ng mga datos hinggil sa kanilang wika at kultura. Sa pulong na ito, hihilingin na rin kung saan puwedeng manatili o tumira ang team.

8. Paghahanda sa lahat ng kagamitang kakailanganin sa fildwork

a. Mga dokumento (gabay na tanong, wordlist, pormularyo sa profayl ng informant, mga numero ng mga kontak)
  • *para sa opisyal na biyahe ‒ RER, Itinerary of Travel
b. Mga kagamitan
  • Recorder extension wire
  • Kamera laptop, external drive
  • Charger battery
c. mga basic needs na gamit sa fild/portable kit
  • boteng lalagyan ng tubig kutsara at tinidor
  • maliit na kutsilyo/bolo abrelata
  • sleeping bag kulambo
  • tali flashlight
  • maliit na ilawan sombrero
  • raincoat toiletries
  • portable stove (opsiyonal) mga kagamitan sa pagluluto
  • mga panimpla
d. Mga gamot o first aid kit.
  • Decongestant analgesics
  • Antipyretics antitussive
  • Laxatives antibiotics
  • Anti-diarrhea ointment sa pasò at kagat ng lamok
  • Insect repellant water purifiers
  • Anti-malaria band-aid/bandage
  • Anti-allergies vitamins
  • Personal na medikasyon
9. Pakikipamuhay sa komunidad nang hindi bababa sa 10 araw. 
Dahil komprehensibo ang isasagawang pagdodokumento mananatili ang mga mananaliksik sa lugar ng mga katutubo nang sampung (10) araw upang maobserbahan ang kanilang pamumuhay, makapag-interbiyu, makalikom ng mga datos at makapagsaliksik.

Sa sampung araw na pakikipamuhay, narito ang mga nakatakdang gawain ng mananaliksik:
9.1. Muling pagpunta sa lokal na tanggapan gaya ng tanggapan ng meyor, NCIP, at barangay, at tribal chieftain at tribal council na nakasasakop sa pangkat na idodokumento bilang pagtupad sa protocol ng pananaliksik.
9.2. Mag-oobserba sa kilos, gawi, at paraan ng pamumuhay ng pangkat.
9.3. Makikipanayam sa pilíng katutubo na maalam sa kanilang kultura at matatas sa kanilang wika.
9.4. Kukuha ng mga larawan at video ng kanilang pang-araw-araw na pamumuhay, paniniwala, at ibá pang kaugalian.
9.5. Magrerekord ng mga panayam at voice sample ng kanilang katutubong wika.
Pangunahing gagamitin sa pangangalap ng datos ang inihandang patnubay na tanong at ibá pang instrumento gaya ng pormularyo sa profayl ng mga informant.

GABAY SA PAGKUHA NG INFORMANT
1. Rekomendado ng mga namumunò sa pangkat.
2. Miyembro ng Katutubong Pangkat (purong katutubo)
3. Pinanganak at naninirahan sa komunidad nang hindi bababâ sa 15 taon
4. Magkaroon ng dalawa o tatlong informant sa bawat paksa.
5. Magkaroon ng informant sa ibá’t ibáng edad: (14–25, 35–50, 55 o mas mataas) depende sa paksa.
10. Paghahanda ng write ups/manuskrito.
11. Pagbabalida ng manuskrito
12. Pagpapaedit ng manuskrito
13. Pagsasapinal ng manuskrito
14. Paghahanda para sa pagpapalimbag



GABAY SA LINGGUWISTIKONG ETNOGRAPIYA
I. HEOGRAPIYA
1. Topograpiya.
 Lalamanin ng bahaging ito ang detalyadong paglalarawan sa lokasyon ng komunidad, klima, at temperatura; mga anyong lupa; sukat ng teritoryo at lupaing ninuno; at ibá pang katangian ng lugar.

2. Demograpiya. 
Ang bahagi ito ay maaaring makuha sa Philippine Statistic Authoriy; Census ng Barangay; at National Commission on Indigenous People. Matutukoy sa bahagi ito ang kanilang bilang o populasyon na maaaring magamit upang malaman kung sila ba ay dumadami o hindi.

II. PAGKAKAKILANLAN NG PANGKAT

1. Identidad ng Pangkat
Mga datos na dapat na malikom:
 Tawag sa sarili/pangalan ng pangkat (self ascription/endonym
 Kahulugan ng pangalan ng pangkat
 Tawag ng ibáng katutubong grupo o mga táong-tagalabas sa katutubong pangkat. (Ascription by others-exonym)
 Tawag ng mga katutubo sa mga táong hindi kabilang sa kanilang pangkat.
Mga posibleng itanong sa informant:
 Ano ang tawag ninyo sa inyong sarili? (magandang alamin kung ano ang ibig sabihin ng kanilang pangalan sa kanilang wika, dito maaaring maunawaan ang malalim na ugnayan ng mga pangkat sa kanilang kapaligiran, lalo na ang mga katutubo)
 Ano ang ibig sabihin ng pangalan ng inyong pangkat? Saan ito halaw?
 Ano ang tawag ng ibáng katutubong grupo o mga táong-tagalabas sa inyong pangkat?
 Ano ang tawag ninyo sa mga táong hindi kabilang sa inyong pangkat?

*Maaaring isaalang-alang sa pagpapaliwanag ng endonym at exonym ang mga mga nauna nang pag-aaral na may lingguwistikong paliwanag.
 Makatutulong ito upang maunawaan ang historikal na dahilan na pagpapangalan ng pangkat
sa kanilang sarili at ng tagalabas. Isang magandang halimbawang pag-aaral ay ang Who are the Philippine Negritos ni Lawrence Reid (2013).

1. Lokasyon at Distribusyon

Mga datos na dapat na malikom:

a. Deskripsiyon ng komunidad at tirahan–Makakalap ang mga datos na nakapaloob sa bahaging ito sa pamamagitan ng obserbasyon sa komunidad.

b. Patern ng komunidad–Maaaring tingnan ang ibá’t ibáng uri ng patern. Mahalagang tingnan ang bahaging ito kung nais unawain ang sistema ng inter-aksiyon ng bawat miyembro ng komunidad at ang relasyon nila sa kapaligiran.
Dispersed–hiwa-hiwalay ang mga tirahan na karaniwan sa mga upland area.
Nucleated–nakatumpok-tumpok ang ayos ng mga tirahan sa isang komunidad na karaniwan sa mga lowland area.
Linear–palinya ang ayos ng mga tirahan na karaniwan makikita sa mga lugar na malapit sa daan o sa ilog.

2. Ethnolinguistic Background/Migrasyon

Mga datos na dapat na malikom:

a. Kaugnay na Literatura – Pangangalap ng mga nauna nang pag-aaral hinggil sa kasaysayan ng pangkat, kung wala ay maaaring tingnan ang kasaysayan ng lugar na pinananahanan ng pangkat at ang mga impormasyon hinggil sa arkeolohiya ng lugar na maaaring makapagbigay ng ebidensiya ng pananahanan doon at sistema ng pamumuhay noon.

b. Kasaysayan ng migrasyon – Maaaring kombinasyon ito ng mga datos mula sa mga oral history ng pangkat (lalo na kung undocumented pa ang pangkat), related literature, at ibá’t ibáng theory of migration sa Filipinas—maaaring pagbatayan ang ilang pag-aaral ni Lawrence Reid at ni Bellwood na may mga lingguwistikong patunay hinggil sa Dispersal ng mga Austronesian sa Filipinas.

Mga posibleng itanong sa informant:
Ang mga tanong ay karagdang tanong lamang upang mabalida o matukoy sa kanilang pagkakatanda kung saan unang nanirahan ang kanilang pangkat o mga ninuno.
1. Saan po unang nanirahan ang inyong pangkat?
2. Gaano kayo katagal na nanirahan sa una ninyong komunidad?
3. Paano kayo napadpad dito sa kasalukuyan ninyong komunidad?
4. Gaano na kayo katagal sa inyong kasalukuyang komunidad?

III. SITWASYONG PANGWIKA

Mga datos na dapat malikom:

1. Deskripsiyon ng Wika – ang mga datos sa bahaging itong ay masasagot sa pamamagitan ng mga panayam sa mga katutubo.
a. Pangalan ng katutubong wika.
b. Tawag ng tagalabas sa wika
c. Paano natutuhan ang katutubong wika.

Mga posibleng tanong sa informant:
 Ano ang tawag sa inyong katutubong wika?
 Ano ang ibig sabihin ng pangalan ng inyong wika?
 Ano ang unang wika na iyong natutuhan?
 Anong wikang inyong ginagámit sa pakikipag-usap sa inyong mga kapuwa katutubo?
 Anong wikang inyong ginagámit sa loob ng tahanan?
 Bukod sa inyong katutubong wika, mayroon ka pa bang ibáng wikang alam? Kung oo kailan at saan mo ito natutuhan?
 Kailan niyo ginagámit ang inyong katutubong wika at ibáng wikang sinasalita?
 Ano ang tawag ng mga tagalabas sa inyong wika? Bakit?
 Itinuturo pa ba o ginagámit pa ba ng mga batà ang wika ng katutubo? Kailan nilá ito natutuhan?
 Gaano silá katatas sa unang wika?
 Anong taon natututo ang inyong anak ng ibáng wika?
 Ano ang mga dahilan sa pagtanggi ng paggámit ng unang wika?

2. Mga Varayti ng Wika – ang datos sa bahaging ito ay makukuha sa pamamagitan ng obserbasyon at pagkokompara ng mga wika sa palibot ng komunidad.

Mga datos na dapat malikom:
 Wordlists– gamitin ang modified na wordlist ni J. Peralta para sa mga varayti ng wika. (tingnan ang annex)

3. Sosyolingguwistika – Mahalagang mailarawan ang ibá’t ibáng anyo ng wika batay sa edad, seks, istatus sa búhay, trabaho, at ibá pa.

Mga datos na dapat malikom:
 Wikang sinasalita ng mga katutubo.
 Bilang o porsiyento ng mga katutubong tanging katutubong wika lamang ang alam salitain.
 Katatasan sa mga wikang sinasalita.

Mga posibleng itanong sa informant:
 Ilang porsiyento ng populasyon ang monolingguwal o may alam lang na isang wika? (maaaring itanong sa pamunuan)
 Ilang porsiyento ng populasyon ang bilingguwal/multilingguwal? (maaaring itanong sa pamunuan)
 Ano-ano ang mga wikang alam?
 Saang mga sitwasyon o konteksto ninyo ginagámit ang ibáng wika?
 Itinuturing ba ninyo mabuting bagay ang may alam siláng ibáng wika?

4. Wikang Ginagámit sa Bawat Dominyo

Mga datos na malilikom:
Pangkalahatang pagtalakay ito sa kalagayan ng paggamit ng wika sa ibá’t ibáng dominyo at aspekto ng pamumuhay ng komunidad. Mahalagang malaman at masukat ang mga ito upang matukoy ang sigla ng paggámit ng wika, o kung nagkakaroon na ng pagpapalit ng wika. 

Sa pagsukat at pagtukoy sa sigla ng paggámit ng wika, gagámitin ang Expanded Graded Intergenerational Disruption Scale ni Fishman (1991). Anong wika ang ginagámit sa edukasyon? Sa transaksiyon ng pamahalaan, sa pakikipag-usap, at sa mga pormularyo nito? Sa negosyo? Sa relihiyon? Sa pakikipag-usap sa estranghero? Sa kapuwa kasapi ng grupo? Sa kanilang pamilya? At ibá pa.

5. Ugali o Pagtanaw sa Wika
Mga datos na malilikom:

 Pagtanaw ng pangkat sa kanilang katutubong wika.
Ito ay magandang makuha sa pamamagitan ng pagsubaybay sa komunidad. Sa bahaging ito, marapat na masagot at maipaliwanag kung gaano nila kakilala ang kanilang sarili kapag nagsasalita sila gamit ang kanilang katutubong wika; gaano nila kakilala ang kanilang sarili kapag nagsasalita sila gamit ang ibáng wika; gaano kahalaga para sa kanila ang pagkatuto ng kabataang miyembro ng komunidad ng kanilang katutubong wika; at kung gaano kahalaga para sa kanila ang pagkatuto ng kabataang miyembro ng komunidad ng ibáng wika.

IV. ESTRUKTURA NG LIPUNAN/KOMUNIDAD
1. Pamilya–ang pagkuha ng datos sa bahaging ito ay matatamo sa pamamagitan ng panayam at obserbasyon sa komunidad.

Mga datos na dapat malikom:
a. Uri ng pamilya ayon sa kasapi (pagtukoy sa pinakakaraniwang uri ng pamilya sa komunidad-pamilyang nuclear, pamilyang extended)
b. Sistema ng pamilya (pagtukoy kung bilateral, at kung unilateral-patrilineal o matrilineal)
c. Gampanin ng bawat miyembro .
d. Mga katutubong termino hinggil sa estruktura ng pamilya.

Mga posibleng tanong sa informant:
 Sino-sino ang miyembro ng inyong pamilya? Ilista mula sa punò ng pamilya.
 Bakit siya itinuturing na punò ng pamilya?
 Mayroon bang miyembro ng pamilya ninyo na hindi ninyo kasama sa bahay? Ilista at ibigay ang dahilan kung bakit hindi ninyo sila kasama.
 Mayroon bang pribilehiyo para lamang sa mga lalaki? Para lamang sa babae?
 Mayroon bang mga responsabilidad at obligasyon na para lamang sa mga lalaking miyembro ng pamilya? Ipaliwanag at magbigay ng halimbawa.
 Mayroon bang hindi pagkakapantay sa pamilya pagdating sa kapangyarihan, awtoridad, at pribilehiyo base sa edad o gulang? Ipaliwanag at magbigay ng halimbawa.
2. Pagkakamag-anak (Kinship)
Mga datos na dapat malikom:
a. Sistema ng pagkakamag-anak (paano nabubuo ang pagiging magkakamag-anak sa isang komunidad-consanguines, affines, ritwal, at genealogy)

Mga posibleng tanong sa informant:
a. Paano ninyo nasasabing malapit o kaanak ninyo ang isang kasamahan sa komunidad?

3. Pakikipag-ugnayan sa komunidad
Mga datos na dapat malikom:
 Katangian ng isang táong marangal at tinitingala sa komunidad.
 Pagtingin sa lalaki at babaeng kasamahan sa komunidad.
 Pagtingin sa matatandang miyembro ng komunidad.
 Relasyon ng mga katutubo sa loob ng komunidad.

Mga posibleng itanong sa informant:
 Ano ang mga katangian ng isang táong marangal at tinitingala sa komunidad?
 Ano ang pagtingin sa lalaki at babae?
 Ano ang pagtingin sa matanda?
 Gaano kalapit ang mga tao sa komunidad? Meron bang alitan o mabuti ang pagsasamahan?
 Paano kumakalat ang balita mula sa labas ng komunidad?
 Sino ang unang nakakaalam at kanino niya sinasabi?
4. Panliligaw/pag-aasawa – ang paraan ng pagkuha ng datos ay sa pamamagitan ng panayam at obserbasyon.
Mga datos na dapat malikom:
 Proseso ng panliligaw at pag-aasawa.
 Kultura at kaugalian sa pag-aasawa at pagkakasal.

 Mga terminong may kinalaman sa panliligaw at pag-aasawa.
Mga posibleng tanong sa informant:
 Paano nagsisimula ang panliligaw ng lalaki sa babaeng katutubo?
 Ano-ano ang mga kaugalian at tradisyon na sinusunod sa panliligaw at pag-aasawa?
 Sino-sino ang madalas na nagdedesisyon sa pag-aasawa ng mga batang katutubo.
 Mayroon ba kayong katutubong paraan ng pagkakasal?
 Paana isinasagawa ang proseso ng pagkakasal?
 Ano-ano ang mga paniniwala at ritwal sa pakikipag-asawahan?

Sa kabuoan ng bahaging ito, maaari ding tingnan ang marriage patterns ng bawat pangkat. Bukod sa makukuhang mga terminolohiya sa kinship at pamilya, maaaring dito magsimula ang pagpapaliwanag sa sitwasyon ng kanilang katutubong wika sa loob ng tahanan at kung paanong nagiging daluyan ng mga pagbabago ng kultura at kalagayan ng wika ang pamilya.

V. ESTRUKTURA AT SISTEMA NG PAMAMAHALA
1. Kapangyarihan/Pamumunò (estrukturang politikal, estrukturang tradisyonal) – ang mga datos na makukuha sa bahaging ito ay sa pamamagitan ng panayam.

Mga datos na dapat malikom:
 Mga termino o katawagan sa mga namumunò sa komunidad.
 katangian ng mga pamunuan ng pangkat
 Proseso ng pagpili ng magiging pinunò.
 Tagal ng panunungkulan ng pamunuan sa komunidad.
Mga posibleng tanong sa informant:
 Sino/anong tawag sa namumunò sa pangkat/komunidad?
 Ano-ano ang mga katangian ng isang lider?
 Ilahad ang proseso ng pagpili ng mamumunò?
 Gaano katagal maglilingkod ang pinunò?
 Ilahad ang sakop ng kapangyarihan niya at mga gampanin sa komunidad.
 Isang salik ba ang kasarian sa pagpilì ng namumunò?
2. Batas/tuntunin sa loob ng komunidad–ang pagkuha ng datos sa bahaging ito ay sa pamamagitan ng panayam.
Mga datos na dapat malikom:
 Batas/tuntunin sa loob ng komunidad.
Mga posibleng tanong sa informant:
 Kung may gulo o away sa isang pamilya, maaari bang makialam ang kapitbahay o komunidad? Sa anong okasyon maaaring manghimasok o makialam ang ibáng tao?
 Paano nireresolba ang isang alitan sa isang komunidad? Sa anong uri ng alitan o away maaaring makialam ang lider ng komunidad?
 Bukod sa mga lider ng komunidad, sino pa ang maaaring tumulong sa pagsasaayos ng gulo sa komunidad?
 Meron ba kayong batas na sinusunod para sa pagsasalin ng mga pag-aari sa susunod na henerasyon?
 Sino sa mga anak ang nagmamana? Ang panganay na lalaki o panganay na babae?
 Ano naman ang minamana ng ibáng anak?
 Ang lupa bang minana ay maaaring ipagbili?

3. Sistemang panghustisya – ang pagkuha ng datos sa bahaging ito ay sa pamamagitan ng panayam.

Mga datos na dapat malikom:
 Proseso ng paglilitis o pag-aayos ng sigalot sa loob ng komunidad.
 Mga táong kasangkot sa pagpapanatili ng kaayusan sa komunidad.
 Ibá’t ibáng anyo ng pagpaparusa at pagdedisiplina.
 Mga kaugalian at tradisyon sa pagpapataw ng parusaa/pagdedisiplina
 Mga terminong may kinalaman sa sistemang panghustisya.
Mga posibleng itanong sa informant:
 Paano pinanatili ang kaayusan sa komunidad?
 Mayroon ba kayong katutubong paraan sa pagpataw ng hustisya sa mga kapuwang katutubo na nakagawa ng kasalanan?
 Ano-ano ang ibá’t ibáng parusa/padidisiplina?
 Ano-ano ang mga kaugnay na kaugalian sa pagpapataw ng parusa?

VI. SISTEMANG PANGKABUHAYAN
Ang pagkuha ng datos sa bahaging ito ay sa pamamagitan ng panayam, obserbasyon, at aktuwal na pagsama sa kanilang mga kabuhayan.
Mga datos na dapat malikom:
 Mga likas-yaman na sandigan ng kabuhayan ng mga katutubo (bukid, gubat, yamang-dagat, atbp.)
 Karaniwang hanapbuhay ng mga katutubo sa komunidad.
o Tradisyonal na hanapbuhay
o Makabago/kasalukuyang hanapbuhay
 Kíta at gastos ng isang pamilya
Mga posibleng itanong sa informant:
 Ano-anong mga likas-yaman ang ginagámit ng mga tao para sa kanilang ikinabubuhay?
 Ano-anong mga hanapbuhay/trabaho ang matatagpuan sa inyong komunidad?
 Magkano ang karaniwang kinikita ng isang pamilya? (kada buwan/kada taon)
 Magkano ang karaniwang ginagastos ng isang pamilya (kada buwan/kada taon)? Ibigay ang detalye (pagkain, kasuotan, bahay, edukasyon, transportasyon, atbp.)
1. Produksiyon. Gawaing pangangalap/pangongolekta (collecting/gathering) Karaniwang mga ilahas (wild) na mga lamang-ugat at mga halamang maaaring kainin. Ang pagkuha ng datos sa bahaging ito ay sa pamamagitan ng panayam, obserbasyon, at aktuwal na pagsama sa kanilang mga kabuhayan.

Mga datos na dapat malikom:

 Konsepto sa pagpilì ng mga ilahas na halamang maaaring kainin.
 Proseso ng pagkuha at paghahanda nito bago kainin.
 Paniniwala ng mga katutubo o miyembro ng komunidad hinggil sa naidudulot nito sa kanilang katawan (batay sa karanasan ng mga katutubo)
 Mga sample sentence na nasa wikang katutubo hinggil sa pagpapaliwanag ng anumang konsepto hinggil sa ganitong gawain.
 Mga ritwal o tradisyon tungkol sa pangangalap ng mga ilahas na lamang-ugat.
 Mga terminong may kinalaman sa pangangalap.
Mga posibleng itanong sa informant:
 Ano-ano ang konsepto sa pagpilì ng mga ilahas na halamang maaaring kainin?
 Paano kinukuha ang mga ilahas na lamang-ugat at paano ito inihahanda bago kainin?
 Ano-ano ang paniniwala ng mga katutubo o miyembro ng komunidad hinggil sa naidudulot nito sa kanilang katawan? (batay sa karanasan ng mga katutubo)
 Mayroon ba kayong mga ritwal o tradisyon na ginagawa bago mangalap ng mga ilahas na lamang-ugat.
2. Pangangaso (hunting). Karaniwang mga ilahas (wild) na hayop tulad ng baboy-ramo, usa, bayawak, at ibá pa ang maaaring kainin. Ang pagkuha ng datos sa bahaging ito ay sa
pamamagitan ng panayam, obserbasyon, at aktuwal na pagsama sa kanilang mga kabuhayan.

Mga datos na dapat malikom:
 konsepto sa pagpilì ng mga ilahas na hayop na maaaring kainin.
 Proseso ng pagkuha at paghahanda nito bago kainin.
 Paniniwala ng mga katutubo o miyembro ng komunidad hinggil sa naidudulot nito sa kanilang katawan (batay sa karanasan ng mga katutubo)
 Mga sample sentence na nasa wikang katutubo hinggil sa pagpapaliwanag ng anumang konsepto hinggil sa ganitong gawain.
 Mga ritwal o tradisyon tungkol sa bago at pagkatapos isagawa ang pangangaso.

 Mga terminong may kinalaman sa pangangaso.
Mga posibleng itanong sa informant:
 Ano-ano ang konsepto sa pagpilì ng mga ilahas na halamang maaaring kainin?
 Paano kinukuha ang mga ilahas na lamang-ugat at paano ito inihahanda bago kainin?
 Ano-ano ang paniniwala ng mga katutubo o miyembro ng komunidad hinggil sa naidudulot nito sa kanilang katawan? (batay sa karanasan ng mga katutubo)
 Mayroon ba kayong mga ritwal o tradisyon na ginagawa bago at pagkatapos mangaso.

3. Pangingisda (fishing). Isa sa karaniwang hanapbuhay ng mga katutubo sa bansa ang pangingisda sapagkat likás sa karamihan sa mga ito ang paninirahan sa mga tabing-ilog at tabing-dagat. Ang pagkuha ng datos sa bahaging ito ay sa pamamagitan ng panayam, obserbasyon, at aktuwal na pagsama sa kanilang mga kabuhayan.
Mga datos na dapat malikom:
 Konsepto sa pagpilì ng mga isdang huhúlihin.
 Mga termino hinggil sa proseso ng pangingisda.
 Mga lamang-ilog/lamang-dagat na kadalasang nahuhúli sa tuwing mangingisda.
 Gumawa ng talaan ng mga termino ng mga lamang-ilog/lamang-dagat
 Proseso ng panghuhúli ng isda gamit ang ibá’t ibáng kagamitan sa pangingisda.
 Mga ritwal na isinagawa bago at pagkatapos manghúli ng isda sa ilog/dagat.
 Mga sample sentence na nasa wikang katutubo hinggil sa pagpapaliwanag ng anumang konsepto sa pangingisda.
Mga posibleng itanong sa informant:
 Ano-ano ang konsepto sa pagpilì ng isdang huhúlihin?
 Ano-ano ang mga lamang-ilog/lamang-dagat na kadalasang nahuhúli ninyong sa tuwing mangingisda?
 Ano-ano ang paraan at mga kagamitan sa pangingisda?
 Mayroon ba kayong mga ritwal o tradisyon na ginagawa bago at pagkatapos mangisda?

4. Pagtatanim (maaaring itanong sa bahagi ito kung likas ba sa kanilang pangkat ang pagtatanim, kung hindi saan nila ito natutuhan). Karamihan sa mga kasalukuyang katutubong pangkat ay nakasandig sa pagtatanim. Mas napapakinabangan nila ang kanilang lupaing ninuno sa pamamagitan ng pagtatanim ng mga gulay, prutas, mais, at palay. Ang pagkuha ng datos sa bahaging ito ay sa pamamagitan ng panayam, obserbasyon, at aktuwal na pagsama sa kanilang mga kabuhayan.
Mga datos na dapat malikom:
 Konsepto sa pagtatanim.
 Mga termino hinggil sa proseso pagtatanim. Gumawa ng talaan ng mga termino.
 Mga ibá’t ibáng uri tanim ng mga katutubo.
 Talaan ng mga termino sa mga binhing itinatanim.
 Proseso ng pagtatanim.
 Mga ritwal na isinagawa bago at pagkatapos magtanim.
 Mga sample sentence na nasa wikang katutubo hinggil sa pagpapaliwanag ng anumang konsepto sa pagtatanim.
Mga posibleng itanong sa informant:
 Ano-ano ang inyong mga katutubong konsepto sa pagtatanim?
 Ano-ano ang mga kadalasang tanim ng inyong pangkat?
 Ano-ano ang inyong paraan at mga kagamitan sa pagtatanim?
 Mayroon ba kayong mga ritwal o tradisyon na ginagawa bago at pagkatapos magtanim?

5. Pangunguha ng pulut-pukyutan
Pangunguha ng pulut-pukyutan ang isa sa pangunahing ikinabubuhay ng ilang katutubo. Karaniwang ibinebenta nila sa bayan ang kanilang mga nakukuhang pulut para may maipambili ng ibá pang nilang pangangailangan. Ang pagkuha ng datos sa bahaging ito ay sa pamamagitan ng panayam, obserbasyon, at aktuwal na pagsama sa kanilang mga kabuhayan.
Mga datos na dapat malikom:
 Konsepto sa pangunguha ng pulut-pukyutan.
 Mga termino hinggil sa proseso ng pulut-pukyutan.
 Mga uri ng bubuyog na pinagkukunan ng pulut.
 Proseso ng pangunguha ng pulut-pukyutan.
 Mga ritwal na isinagawa bago at pagkatapos kumuha ng pulut-pukyutan.
 Mga sample sentence na nasa wikang katutubo hinggil sa pagpapaliwanag ng anumang konsepto ng pagkuha ng pulut-pukyutan.

Mga posibleng itanong sa informant:
 Ano-ano ang katutubong konsepto sa pangunguha ng pulut-pukyutan?
 Ano-ano klase ng bubuyog ang pinagkukunan ng pulut?
 Paano ninyo isinasagawa ang pagkuha ng pulut-pukyutan.
 Mayroon ba kayong mga ritwal o tradisyon na ginagawa bago at pagkatapos kumuha ng pulut-pukyutan?
Likhang-kamay (handicrafts) - Likás sa mga katutubo ang pagkakaroon ng malawak na katutubong kaalaman pagdating sa pagbuo ng mga muwebles at ipa bang likhang-kamay na produkto. Ang pagkuha ng datos sa bahaging ito ay sa pamamagitan ng panayam at obserbasyon sa aktuwal na katangian ng produkto.

Mga datos na dapat malikom:
a. Mga kagamitan sa paggawa ng likhang-kamay na produkto.
b. Proseso sa paglikha ng mga produkto.
c. Paraan kung paano naipapagbili ang mga produkto
d. Mga sample sentence na nasa wikang katutubo hinggil sa pagpapaliwanag ng paglikha ng mga produkto.

Mga posibleng itanong sa informant:
 Ano-ano ang mga likhang produkto na ibinebenta ng inyong pangkat?
 Paano ito ginagawa?
 magkano ninyo naibebenta ang mga likhang-produkto?
6. Mga kaugnay na tanong sa pangkabuhayan - Ang pagkuha ng datos sa bahaging ito ay sa pamamagitan ng panayam, obserbasyon, at aktuwal na pagsama sa kanilang mga kabuhayan.
Mga datos na dapat malikom:
 Mga kaugnay at ibá pang hanapbuhay ng pangkat.
 Estado ng kabuhayan ng pangkat.
Mga karagdagang tanong kaugnay sa kabuhayan ng mga katutubo:
 Bukod sa mga nabanggit na kabuhayan, mayroon pa ba kayong ibáng kabuhayan sa kasalukuyan?
 Ano-ano ang mga kabuhayan na nananatili sa inyong kultura sa kasalukuyan?
 Ang mga nabanggit ba na kabuhayan ay batid pa ng lahat ng miyembro ng komunidad? Kung hindi bakit?
 Sa magkanong halaga ninyong naibebenta ang mga nakukuhang pagkain tulad ng karne ng hayop at isda, pulut, pananim, at mga likhang kamay?
 Mayroon na bang mga katutubo na mula sa inyong komunidad ang nagtatrabaho na sa siyudad bilang mga propesiyonal?
 Ano ang pangkalahatang estado ng pamumuhay sa inyong pangkat? Mayroon bang maituturing na nasamababa o mataas?
*Maghanda ng talaan ng mga terminong pangkabuhayan.

VII. RELIHIYON
Tatalakayin sa bahaging ito ang paniniwala ng mga katutubo tungkol sa dakilang lumikha. Bawat katutubong pangkat sa Filipinas ay may kani-kaniyang paniniwala at tradisyon na sinusunod kaugnay ng kanilang mga pananampalataya. Ang pagkuha ng datos sa bahaging ito ay sa pamamagitan ng panayam, obserbasyon, at aktuwal na pagsama sa kanilang pagsimba.
Mga datos na dapat malikom:
 Mga Sinaunang paniniwala at gawi.
 Pagbabago/kasalukuyang kinaanibang relihiyon.
 Ugnayan ng relihiyon at kultura, kung paano naapektuhan ng relihiyon ang pagbabago sa paniniwala, kultura, at wika ng pangkat.
 Mga relihiyon na matatagpuan sa komunidad.
Mga posibleng itanong sa informant:
 Paano nakikipag-ugnayan sa dakilang lumikha ang inyong pangkat?
 Ano ang tawag ninyo sa inyong dakilang lumikha?
 Mayroon ba kayong mga tradisyon o mga ritwal na isinasagawa kaugnay ng inyong paniniwala sa dakilang lumikha?
 Sino ang kadalasang namumunò sa mga ritwal para sa pakikipag-ugnayan sa dakilang lumikha.
 Ano-ano mga kongregasyon ang nasa loob ng inyong komunidad?
 Kailan ito dumating sa komunidad?
 Alin sa mga ito ang may pinakamalaking tagasunod?
 Ano ang inyong pananaw sa pagkakaroon ng maraming kongregasyon sa inyong komunidad?
 Paano naapektuhan ng inyong kongregasyon na kinabibilangan ang inyong katutubong kultura at paniniwala?

VIII. MATERYAL AT DI-MATERYAL NA KULTURA AT TRADISYON
Ang pagkuha ng datos sa bahaging ito ay sa pamamagitan ng panayam, at obserbasyon.
1. Sining
Mga datos na dapat malikom:
 Biswal na sining (paghahabi, paggawa ng basket, pagpapalayok, at ibá pa)
Mga posibleng itanong sa informant:
 Ano-ano ang mga natatanging sining na tampok sa inyong grupo? (isa-isahin)
 paano ito ginagawa?
 mayroon ba itong partikular na kahulugan?
 Ang mga nabanggit na sinong ba ay nananatili pa sa kasalukuyan?
2. Literatura (kuwentong bayan, alamat, pabula) - Ipakuwento sa kanilang katutubong wika at ipasalin sa wikang Filipino.
Mga datos na dapat malikom:
 Ibá’t ibáng anyo ng literatura at panitikan gaya ng kuwentong bayan, tula, alamat, at ibá pa)
Mga posibleng itanong sa informant:
 Mayroon ba kayong mga katutubong kuwento, alamat, pabula, at ibá pang anyo ng panitikan?
 Ito ba ay nagagámit sa paaralan?
3. Musika at instrumento
Mga datos na dapat malikom:
 Mga katutubong awitin at musika at konsepto nito.
 Mga katutubong instrumento.
Mga posibleng itanong sa informant:
 Ano-ano ang mga katutubong awitin at musika na tampok sa inyong grupo? (banggitin sa informant kung mayroon itong kahulugan)
 ito ba ay nananatili pa sa kasalukuyan?
4. Sayaw (uri at gámit)
Mga datos na dapat malikom:
 Mga katutubong sayaw at konsepto nito.
 Mga terminong may kinalaman sa kanilang katutubong sayaw.
Mga posibleng itanong sa informant:
 Ano-ano ang mga katutubong sayaw na tampok sa inyong grupo? (banggitin sa informant kung mayroon itong kahulugan)
 ito ba ay nananatili pa sa kasalukuyan?
3. Arkitektura
Mga datos na dapat malikom:
 Ibá’t ibáng anyo ng arkitektura.
o tirahan (tradisyonal at makabago)
 Proseso ng paggawa nito.
 katangian ng arkitektura.
 Mga terminong may kinalaman sa kanilang katutubong arkitektura.
Mga posibleng itanong sa informant:
 Ano-ano ang tampok na arkitektura ng inyong pangkat?
 Ano-ano ang mga materyales na ginagamit sa paggawa nito?
 Ano-ano ang proseso sa paggawa nito?
 Mayroon ba itong katangian na ibá at natatangi sa ibáng arkitektura ng ibáng katutubong grupo?
4. Damit
Mga datos na dapat malikom:
 Katutubong tawag sa kanilang kasuotan.
o tradisyonal at makabago
 Materyales na ginagamit sa paggawa ng katutubong kasuotan.
 Proseso sa paglikha nito.
 Katangian ng tradisyonal sa makabagong kasuotan.
 Mga terminong may kinalaman sa katutubong kasuotan.
Mga posibleng itanong sa informant:
 Ano ang tawag sa inyong katutubong kasuotan?
 Ano ang mga materyales na ginagamit ng inyong pangkat sa paggawa ng katutubong kasuotan?
 Paano ito ginagawa?
 Mayroon bang pagkakaibá ang katangian ng dati ninyong kasuotan sa makabagong anyo ng kasuotan?
 Ano ang kaibáhan nito sa isa’t isa?
5. Mga dekorasyon at palamuti
Mga datos na dapat malikom:
 Karagdagang moda sa mga katutubo ang pagkakaroon ng mga palamuti.
 Katangian at simbolismo ng bawat palamuti at dekorasyon.
 Mga termino ng bawat palamuti at dekorasyon.
Mga posibleng itanong sa informant:
 Mayroon ba kayong mga palamuti na tampok sa inyong pangkat?
 Ano-ano ang isinisimbolo ng mga ito?
 ito ba ay nananatili pa sa kasalukuyan?
6. Laro
Mga datos na dapat malikom:
 Katutubong laro.
 Mga termino at katangian ng kanilang mga laro/laruan.
Mga posibleng itanong sa informant:
 Ano-ano ang mga katutubong laro ng inyong pangkat?
 ito ba ay nananatili pa sa kasalukuyan?

IX. SIKLO NG BÚHAY
Ang pagkuha ng datos sa bahaging ito ay sa pamamagitan ng panayam, at obserbasyon.
Paglilihi at Panganganak
Mga datos na dapat malikom:
 Palatandaan na naglilihi ang babae.
 Pag-iingat na ginagawa ng babae kapag nagbubuntis.
 Mga pagkain na hindi dapat kainin ng isang babae habang siya ay buntis.
 Mga gawain o trabaho na hindi maaaring gawin ng isang nagbubuntis.
 Mga bawal sa asawang lalaki sa panahon ng pagbubuntis ng kaniyang asawa.
 Mga ritwal at tradisyon na ginagawa upang matukoy ang kasarian ng sanggol habang nasa sinapupunan ng ina.
Mga posibleng itanong sa informant:
 Ano ang mga palatandaan na naglilihi ang babae?
 Anong pag-iingat ang ginagawa ng babae kapag nalaman na niya ang kaniyang kondisyon?
 Mayroon bang mga pagkain na hindi dapat kainin ng isang babae habang siya ay buntis?
 Mayroon bang mga gawain o trabaho na hindi maaaring gawin ng isang nagbubunti?
 Mayroon bang ipinagbabawal sa asawang lalaki sa panahon ng pagbubuntis ng kaniyang asawa? Para sa ibáng anak o sa anak na sumususo pa?
 Saan nanganganak ang babae?
 Sino ang nagpapaanak kung sa bahay lamang manganganak?
 Kailan bumabalik ang babae sa kaniyang normal na gawain matapos manganak?
 Mayroon bang ritwal na ginagawa base sa kasarian ng kapapanganak na sanggol?
Pagkabatà
Mga datos na dapat malikom:
 Araw-araw na gawin ng mga batà sa komunidad.
 kalagayan ng mga batang katutubo.
Mga posibleng itanong sa informant:
 Ano ang araw-araw na gawain ng batàng hindi pa nag-aaral?
 Gumagawa ba sila ng gawain sa bahay? Kung oo, ano-ano ito?
 Mayroon bang pagkakaibá sa uri ng gawain na ibinibigay sa mga batà ayon sa edad? Ayon sa kasarian?
 Ilang taon nagsisimulang mag-aral ang mga batà sa paaralan/ iskul?
 Lahat ba ng batà ay ipinapasok sa paaralan? Kung hindi, ano ang dahilan at basehan ng magulang kung sino ang ipapasok sa paaralan/iskul?
Pagbibinata/pagdadalaga
Mga datos na dapat malikom:
 Konsepto ng nagbibinata.
 Mga pagbabagong pinagdadaanan ng batà bago siya magbinata at magdalaga.
 Mga ritwal na kaugnay sa pagbabagong ito.
Mga posibleng itanong sa informant:
 Ano ang mga palatandaan na ang isang batà ay nagbibinata o nagdadalaga na?
 Ano ang inaasahang pagbabago sa mga batà? Mayroon bang inaasahang pagkakaibá sa mga lalaki at babae?
 Mayroon bang ritwal na isinasagawa bilang tanda ng pagbabago para sa mga lalaki at babae?
May sapat na gulang
Mga datos na dapat malikom:
 Edad ng pag-aasawa
 Gampanin sa komunidad.
Mga posibleng itanong sa informant:
 Ilang taon ka noong mag-asawa?
 Kung ikokompara sa ibáng nag-asawa dito sa lugar ninyo, sa palagay mo ba’y batà ka pa, nasa hustong gulang ka na, o matanda ka na noong mag-asawa?
 Sino ang inaasahang unang mag-aasawa sa pamilya, ang mga anak na lalaki o mga anak na babae?
 Sino ang pumipilì ng mapapangasawa?
 Maaari bang magpakasal sa mga tagaibáng etnolingguwistikong grupo? Tagaibáng relihiyon? Tagaibáng bayan o nasyon? Bakit hindi?
 Ano-ano ang mga gampanin sa komunidad ng isang miyembro na may sapat na gulang?
Katandaan
Mga datos na dapat malikom:
 Papel ng mga matatandang miyembro sa komunidad.
 Trato ng komunidad sa mga matatandang miyembro.
 Ambag ng mga matatandang miyembro sa komunidad.
Mga posibleng itanong sa informant:
 Ano-ano ang papel ng mga matatandang miyembro sa komunidad?
 Papaano naapektuhan ang estruktura ng komunidad batay sa payo at desisyon ng mga matatanda.
 Ano-ano ang ambag ng mga matatandang miyembro sa komunidad.

X. PARTISIPASYON SA PAMBANSANG KUTURA.
Tatalakayin sa bahaging ito ang pagiging bukás ng pangkat sa kultura ng ibáng etnolingguwistikong pangkat. Ang pagkuha ng datos sa bahaging ito ay sa pamamagitan ng panayam.
1. Edukasyon. ang datos sa bahaging ito ay makukuha sa pamamagitan ng panayam sa mga katutubo at mga guro sa paaralan sa kanilang komunidad.
Mga datos na dapat malikom:
 Mga datos tungkol sa pormal na edukasyon ng mga katutubo.
 sariling paraan ng pagpapanatili ng mga katutubong kaalaman.
 Wika na ginagamit sa paaralan.
 populasyon ng mga mag-aaral na katutubo.
 kalagayan ng mga batàng katutubo sa loob ng paaralan.
 mga suliranin kinakaharap ng mga batàng katutubo sa paaralan.
Mga posibleng itanong sa informant:
 Mayroon bang pinakamalapit na paaralan (DepEd) sa inyong pangkat? Kung mayroon, ano ito? Kung wala, saan tinuturuan ang mga batà sa inyong pangkat?
 Mayroon ba kayong tinatawag na Indigenous Knowledge System? Kung mayroon, ipaliwanag ang sistemang ito.
 Mayroon ba sa inyong School of Living Traditions (SLT)? Ilarawan ang pagtuturo rito? Paano naisasalin sa mga batà sa pamamagitan nito ang kultura at tradisyon?
 Ano ang wikang ginagámit sa pagtuturo sa mga paaralan na nasa loob ng komunidad?
 Lahat ba ay may pantay na pagkakataon para sa makapag-aral sa inyong pangkat? Isa bang salik ang kasarian para makapag-aral?
 Mayroon na bang naiulat na bullying o diskriminasyon sa inyong pangkat/kultura sa loob ng paaralan?
 Ilahad ang estadistika ng nakapag-aral. Ilan ang bilang kung hindi man ay porsiyento ng nakatapos sa primarya, sekundarya, at tersiyarya; bokasyonal, hindi nakapag-aral? (itanong sa namumunò o opisyal ng paaralan)
 Sa iyong palagay, ano-ano ang mga problema sa edukasyon ng inyong pangkat?

2. Kalusugan – ang datos sa bahaging ito ay makukuha sa pamamagitan ng panayam sa mga katutubo.
Mga datos na dapat malikom:
 Pagkain ng mga katutubong noon at ngayon.
 Mga kaugnay na konsepto tungkol sa kanilang pagkain.
 ritwal na kaugnay sa pagkain.
 Katutubong paraan sa pagpapanatili ng sariling kalinisan.
 Mga dahilan ng pagkakasakit at pagkamatay ng mga katutubo.
 Mga problemang pangkalusugan.
 katutubong paraan ng panggagamot.
 Mga kasalukuyang pangangailangan hinggil sa estado ng kanilang kalusugan.
Mga posibleng itanong sa informant:
 Ano-ano ang katutubong pagkain sa inyong pangkat?
 Ano ang pinakamahalagang oras ng pagkain sa buong araw sa inyong pangkat?
 Mayroon ba kayong mga ritwal kaugnay sa pagkain?
 Ano-ano ang mga katutubong paraan na ginagawa ng inyong pangkat sa pagpapanatili ng sariling kalinisan?
 Ano-ano ang karaniwang sakit sa inyong pangkat?
 Ano ang karaniwang sanhi ng pagkakasakit/pagkamatay sa inyong pangkat?
 Ano-ano pa ang mga problemang pangkalusugan ang kinahaharap ng inyong pangkat?
 Mayroon bang pinakamalapit na health center/clinic sa inyong komunidad? Kung wala gaano kalayo ang health center sa inyong komunidad?
 Ano-ano ang mga kadalasang sakit ng mga katutubo sa komunidad?
 Patuloy niyo bang ginagamit ang inyong katutubong kaalaman sa panggagamot?

3. Transportasyon at komunikasyon–ang datos sa bahaging ito ay makukuha sa pamamagitan ng obserbasyon sa loob ng komunidad at panayam sa mga katutubo.
Mga datos na dapat malikom:
 Kalagayan ng pantransportasyon patungo sa komunidad.
 Kalagayang pangkomunikasyon sa komunidad.
Mga posibleng itanong sa informant:
 Ano ang mga pangunahing transportasyon papunta sa inyong komunidad?
 Gaano kalayo ang komunidad sa siyudad?
 Mayroon ba kayong mga teknolohiyang ginagamit upang makasagap ng balita sa labas ng komunidad? (kung meron ano ito?)
 Ano ang posibleng epekto ng paggamit ng teknolohiya sa kaalaman ng mga batang katutubo at inyong kultura?

4. Politika- ang datos sa bahaging ito ay makukuha sa pamamagitan ng panayam sa mga katutubo.
Mga datos na dapat malikom:
 Ugnayan ng pangkat sa mga usaping pampolitika ng lokal at pambansang pamahalaan.
Mga posibleng itanong sa informant
 Paano nakikisangkot ang katutubong pangkat sa mga usaping pampolitika tulad ng pambarangay at panlalawigan?
 Paano nakaapekto sa kanilang katutubong paraan ng pamumunò ang mga sistemang mula sa mga tagasiyudad? (gaya ng pagpilì ng pinunò, estruktura ng pamunuan, at sistemang panghustisya.)

XI. Pagtanaw at Tugón ng Pangkat sa Kalagayan ng Kanilang Wika at Kultura

Sa huling bahaging ito, sisinupin ang lahat ng naging tugon, reaksiyon, at pananaw ng mga katutubo hinggil sa kalagayan ng kanilang wika at kultura upang makabuo ng isang holistikong pagtanaw ng pangkat. Mababasa rin sa bahaging ito kung paano tinutugunan ng pangkat ang mga suliranin/usapin hinggil sa kanilang katutubong wika. Kailangan ding makita sa bahaging ito kung paano sumasabay ang wika at kultura ng pangkat sa proseso ng mga pagbabago na nagaganap na nakapaligid sa pangkat. (Opsyonal o hindi kinakailangan itanong nang direkta sa mga informant bagkus makakatas ang kasagutan dito sa pamamagitan ng pag-aanalays at pagsusuri ng mananaliksik sa aktuwal na danas niya sa komunidad)

Mga Sanggunian:
Cordillera Schools Group, Inc. (2003). Ethnography of the Major Enthnolinguistic Groups in the Cordillera. Lungsod ng Quezon: New Day Publishers.
Griño, E. U. (2011). The Dialects of Panay and the Implications of the Manner of Their Spread. Jaro, Lungsod ng Iloilo: Central Philippine University.
Joaquin-Paz, C. (2005). Gabay sa Fildwurk. Lungsod ng Quezon: The University of the Philippines Press.
Payne, T. E. (1997). Describing Morphosyntax: A guide for fild lingustics. Cambridge University Press.
Peralta, J. T. (1996). Ethnography Fild Manual. Lungsod ng Maynila: National Commission for Culture and the Arts.
Samarin, W. (1967). Fild Linguistics: A guide to Linguistic Fild Work. Lungsod ng New York: Holt, Rinehart and Winston, Inc.