Ano nga ba ang pagbasa?
P- agbabasa ay proseso ng asimilasyon ano mang binabasa sa buhay ng isang tao.
A-ng pakikipag-ugnayan ng mambabasa sa binabasa ang layunin ng gawaing ito.
G-awaing nangangailangan ng koordinasyon ng iba’t iba at magkakaugnay na pinagmulan ng impormasyon.
B-inibigyang hinuha ang teksto ang pinagmulan ng kahulugan kapag nagbabasa ang isang tao.
A-ng imbakan ng kaalaman ay nakukuha sa pagbabasa at mas malalim na maunawaan ang mga konsepto nito.
S-a naunang kaalaman sa wika at pagkakaayos nito ay nauunawaan ang mga binabasa.
A-ng mga kaalaman ay maaaring makuha mula sa pinakikinggan, nakikita sa kabuoang pagdanas ng isang mambabasa sa realidad, lagpas pa sa nababasa mula sa teksto.
Batayang Kaalaman sa Mapanuring Pagbasa
Tinalakay sa aklat ni Sicat et. al (2016) na “Huwag kang magbasa, gaya ng mga bata, upang libangin ang sarili, o gaya ng mga matatayog ang pangarap, upang matuto. Magbasa upang mabuhay”, ito ay winika ni Gustave Flaubert, isang manunulat na siyang nagpaunlad ng reyalismong pampanitikan sa Pransiya at sumikat sa kanyang akda na Madame Bovary (1857). Ang pananaw na ito ay nagpapahiwatig na bukod sa mga layunin ng pagbasa upang malibang at matuto, mas malalim at malawak pa ang naibibigay ng gawaing ito.
Kahulugan ng Pagbasa
Ayon kay Anderson et al.(1985), sa aklat na Becoming a Nation na sinipi naman sa aklat ni Sicat et al.(2016), na ang pagbasa ay isang proseso ng pagbuo ng kahulugan mula sa mga nakasulat na teksto. Ito ay isang kompleks na kasanayan na nangangailangan ng koordinasyon ng iba’t ibang magkakaugnay na pinagmumulan ng impormasyon.
Tiniyak nina Wixson et.al (1987) sa artikulong “New Directions in Statewide Reading Assessment” na nailathala sa pahayagang The Reading Teacher, na sinipi rin sa aklat ni Sicat et al.(2016), na ang mga pinanggalingan ng mga kaisipan sa pagbasa, at tinutukoy nila ito bilang proseso ng pagbuo ng kahulugan sa pamamagitan ng interaksiyon ng
1.) imbak o umiiral nang kaalaman ng mambabasa,
2.) impormasyong ibinibigay ng tekstong binabasa
3.) konteksto ng kalagayan o sitwasyon sa pagbabasa.
Sinabi rin na ang pagbasa ay isang makrong kasanayan na kognitibong hakbang ng pagtukoy sa kaisipan ng bawat simbolo upang makahango at makakuha ng kaalaman. Ipinapakita sa komunikasyon sa bawat teksto at mambabasa na inuukit ng mga kasaysayan, karunungan, at kasanayan ng bumabasa at ng tradisyon at kontekstong panlipunan na kinaroroonan niya.
Intensibo at Ektensibong Pagbasa
Ayon sa aklat ni Sicat et.al (2016), nahahati sa dalawang pangkalahatang kategorya ang mapanuring pagbasa: intensibo at ekstensibo.
Tinutukoy rin ng may-akda na ang intensibong pagbasa ay kinapapalooban ng malalimang pagsusuri sa pagkakaugnay, estruktura, at uri ng diskurso sa loob ng teksto, pagtukoy sa mahalagang bokabularyong ginamit ng manunulat, at paulit-ulit at maingat na paghahanap ng kahulugan.
Sa gawaing ito ng pagbabasa, nakapagbibigay ang estruktura o pagbuo ng malikhaing paglalarawan upang lubos na maunawaan ng mag- aaral ang isang babasahin.
Habang ang ekstensibong pagbasa naman ay may layuning makuha ang “gist” o pinakaesensiya at kahulugan ng binasa na hindi pinagtutuunan ng pansin na maunawaan ang pangkalahatang ideya ng teskto at hindi ang mga ispesipikong detalye na nakapaloob dito.
Scanning at Skimming na Pagbasa
Ang scanning at skimming ay madalas na tinatawag na uri ng pagbasa ngunit maaari rin itong ikategorya bilang kakayahan sa pagbasa. Ayon kay Brown(1994) sa aklat ni Sicat et al.(2016), ang dalawang ito ang pinakamahalagang estratehiya sa ekstensibong pagbasa.
Ayon sa nasabing may akda na ang scanning ay mabilisang pagbasa ng isang teksto na ang pokus ay upang hanapin ang ispesipikong impormasyon na itinakda bago magbasa. Kinapapalooban ito ng bilis at talas ng mata sa paghahanap hanggang sa makita ng mambabasa ang tiyak na kinakailangang impormasyon.
Samantalang ang skimming naman ay mabilisang pagbasa na ang layunin ay upang alamin ang kahulugan ng kabuoang teksto, kung paano inorganisa ang mga ideya o kabuoang diskurso ng teksto at kung ano ang pananaw at layunin ng manunulat.
Antas ng Pagbasa
Sa aklat ni Adler at Doren(1973)na tinalakay naman sa aklat ni Sicat et.al(2016), sinasabi rito na may apat na antas ng pagbasa. Ito ay primaryang antas (elementary), mapagsiyasat na antas (inspectional), analitikal na antas (analytical),at sintopikal na antas na binubuo ng isang hakbang-hakbang na proseso.
Primarya.
Ito ay antas ng pagbasa na tumutukoy sa tiyak na datos at ispesipikong impormasyon gaya ng petsa, setting o lugar at mga tauhan sa isang teksto.
Mapagsiyasat.
Sa antas na ito,nauunawaan na ang mambabasa ang kabuoang teksto at nagbibigay ng mga hinuha o impresyon tungkol dito. Nagbibigay ng mabilisan ngunit makabuluhang paunang rebyu sa isang teksto nang mas malalim.
Analitikal.
Ginagamit ang mapanuri o kritikal na pag-iisip upang malalimang maunawaan ang kahulugan ng teksto at ang layunin o pananaw ng manunulat.Bahagi ng antas na ito ang pagtatasa sa katumpakan, kaangkupan, at kung katotohanan o opinyon ang nilalaman ng teksto.
Sintopikal.
Tumutukoy ito sa pagsusuri na kinapapalooban ng paghahambing sa iba’t ibang teksto at akda na kadalasang magkakaugnay.Nakabubuo ng sariling perspektiba o pananaw sa isang tiyak na paksa.
Referens:
DepEd Marikina Modules
Gawain 1
Panuto: Ipaliwanag ang nais iparating ng pahayag sa ibaba.
“Huwag kang magbasa , gaya ng mga bata, upang malibang ang sarili, o gaya ng mga matatayog ang pangarap, upang matuto. Magbasa ka upang mabuhay.”
-Flaubert