Ilang
araw ko nang napapansin na nagkalat na sa paligid ang mga tumutubong mga dilaw
na bulaklak. Hindi ko alam kung sanhi ba ito ng radikal na pagpapalit ng klima
o sadyang napapadalas lang talaga ang pagkatulala ko sa kawalan nitong mga
nakaraang araw. Basta ang alam ko, kinagigiliwan ko na ang pagmamasid sa mga
bulaklak na ito bawat umaga. Kahit papaano ay naliligayahan ako sa bawat
pagsulyap ko sa mga ito.
Nakakatawang isiping matagal-tagal din bago ko
natuklasan na Yellowbell ang tawag sa mga bulaklak na iyon. Lahat yata ng tao
alam na ganoon ang itsura ng Yellowbell, pero dahil lahat ng bulaklak para sa akin
ay magkakahawig maliban sa mga Rosas ay wala talaga akong malay na ‘yon pala
ang tawag sa kinahuhumalingan kong bulaklak. Mula noon ay lalo ko tuloy
nagustuhan ang pagtanaw sa mga ito araw- araw.
Noong una ay nakikita ko lamang
ang mga kinagigiliwan kong Yellowbell habang nakasakay sa service papuntang
eskwelahan. Lagi ko kasing binubuksan ang bintana sa may gawi ko dahil
nakagagamot ng ang matamis na simoy ng hangin sa umaga. Mula sa dungawan na
iyon ay nasisilayan ko ang mundo habang mabilis nito akong dinadaanan. Pero
masaya pa rin ako kahit na sa maikling sandal lang na nilalaan sa ‘kin ng
pagkakataong masilayan ang mga matitingkad na Yellowbell sa tabi ng kalsada.
Napapangiti ako ng mga ito gayong ang layo ko para man lang mamalas ang
kagandahan nila nang malapitan. Hindi nagtagal ay mas madalas na akong makakita
ng mga Yellowbell. Natuklasan kong mas maganda pala talaga ang mga bulaklak na
iyon sa totoong mundo kumpara sa mga larawan sa mga librong nakita ko noong
ikalawang taon ko sa mataas na paaralan.
Napagtanto kong may Yellowbell pala sa
may pasukan ng subdivision namin, sa isang bakuran sa may intersection sa
Masinag, sa bahay ng lola ko at kahit sa mismong paaralang pinapasukan ko
limang beses sa isang linggo. Ayos. Kahit papaano talaga ay naiibsan ang
pagkalumbay ko sa araw-araw. Pero hindi diyan nagtatapos ang nakaaantok kong
kuwento tungkol sa Yellowbell. Nagkataon kasing ‘yong pinagtaniman ng mga bulaklak
na ito sa loob ng eskwelahan ko ay doon pa talaga sa araw- araw kong
dinadaanan. Hindi tulad noon na hindi naman ako puwedeng bumaba sa sasakyan
para kumuha ng isang Yellowbell mula sa hardin ng kung kaninong bahay, dumating
sa punto na hayan na ang mga Yellowbell at puwedeng-puwede na akong pumitas.
Tatlong beses din akong pumitas ng Yellowbell. Tuwang-tuwa talaga ako lalo na
pag tamang-tama ang laki ng Yellowbell para ipanglagay sa kaliwa kong tainga.
Mula sa pinagpitasan ko rito sa harap ng TLE Room hanggang sa silid-aralan ay
naglalakad akong may Yellowbell sa ulo. Natutuwa at natatawa rin naman sa ‘kin
ang mga nakakakita, pero ang sa ‘kin lang ay masaya ako dahil may Yellowbell na
nakatanim sa lakarang dinadaanan ko bawat umaga. Pero sandali lang nagtagal ang
kasiyahang dinulot ng pagpitas ko ng Yellowbell. Hindi ko rin naman kasi
puwedeng panatilihin ito sa aking tainga dahil katutuwaan ako ng aking mga guro
at baka padiretsuhin pa sa mga madre oras na malaman nilang sa tapat ng TLE
Room ko ito nakuha. Pag-upo ko sa aking puwesto bawat umaga, matapos ang sandaling
paglalakad at pagpanhik sa hagdan, ay huhubarin ko na ang bulaklak at maingat
na ilalagay sa ilalim ng aking upuan.
Noong unang beses ay naiwan ko ‘yon doon
at hindi na nakuha noong kinahapunan. Pero noong pangalawa, napagtanto kong
hindi tulad ng mga larawan sa mga librong nabasa ko noong ako’y nasa ikalawang
taon sa mataas na paaralan ay nalalanta ang mga tunay na bulaklak. Hindi na
mukhang Yellowbell ang pinitas kong Yellowbell noong uwian, at dito ako
napaisip kung ano ba talaga ang papel ng Yellowbell sa buhay ko. Ang Yellowbell
at ikaw ay iisa. Ikaw ang dahilan ng gana kong pumasok sa araw-araw. Ikaw ang
dahilan ng mga ngiti, ng kaligayahan, ng katuwaan. Pero tulad ng isang
Yellowbell, kailangan kitang panatilihing buhay sa pamamagitan ng pagmamasid sa
‘yo sa malayo. Malalanta ka lang sa piling ko. Mawawalan ka lang ng buhay pag
pinitas kita at isinama sa paglalakad ko. Gaya ng isangYellowbell, dapat lang kitang
daanan araw-araw at makuntento sa pagkakataong mayroon ako para mahalin ka,
hindi man kita puwedeng angkinin. Isa kang Yellowbell na hindi ko dapat
pitasin, dahil iyon ang batas ng mundo para manatili ang kagandahan mo. Hindi
ko alam kung maibabalik ko pa ang kagiliwan ko sa Yellowbell. Ngayon, pag
nakakikita ako ng Yellowbell ay ikaw na ang naaalala ko. Sa halip tuloy na
mapangiti ay may tumutulo nang mga luha sa mga mata kong tila nais diligan ang
mga bulaklak na iyon. Nalulungkot na ako pag nakakikita ako ng mga Yellowbell,
dahil pinaaalala nito sa akin ang taong kinailangan kong pakawalan para mahalin;
ang taong kinailangan kong ipagpaubaya sa hardin niya dahil hindi siya magiging
masaya sa akin. Hinding-hindi na ako pipitas ng Yellowbell mula ngayon. Sa susunod
na mga araw maaaring madiligan ko sila ng mga luhang kailangan ko pa munang
iiyak, pero hindi ko na nanakawin pa sa daigdig ang hindi para sa akin.
Araw-araw pa rin akong dadaan sa may tapat ng TLE Room para sa mga Yellowbell.
Sana sa bawat pagdaan ko ay marinig ng mga bulaklak na ito ang mga salitang
hindi ko maaaring sabihin, ang mga salitang siyang dahilan kung bakit pinili
kong hindi na lang pumitas ng Yellowbell.
Mga Tanong:
1. Sa iyong pagkakaunawa, ano ang
paksa ng buong akda?
2. Ano ang emosyon na naramdaman
mo sa pagbasa ng sanaysay?
3. Sino sa palagay mo ang “ikaw”
na tinutukoy ng may-akda sa pangungusap na, “Ang Yellowbell at ikaw ay iisa”?
4. Ano-ano ang pagkakatulad ng
taong pinatutungkulan ng may- akda at ng Yellowbell?
5. Ano sa iyong palagay ang ibig
sabihin ng may-akda sa linyang, “Sana sa bawat pagdaan ko ay marinig ng mga
bulaklak na itoang mga salitang hindi ko maaaring sabihin”?
No comments:
Post a Comment