Friday, November 22, 2024

Pagsusuri sa Ilang Pananaliksik sa Wika at Kulturang Pilipino

 INAASAHAN SA MAG-AARAL:

A. Nasasagot ang mga tanong sa binasang pananaliksik

B. Nasusuri ang ilang pananaliksik na pumapaksa sa wika at kulturang Pilipino


PAUNANG GAWAIN:

Panuto: Ibigay ang mga hinihinging konsepto ng bawat bilang. Piliin ang mga sagot mula sa kahon.


1. Tumutukoy sa pagsasaayos ng mga ideya at konsepto sa sulatin.

2. Ito ang nais iparating ng isang manunulat sa mg mambabasa mula sa kaniyang sulatin. 

3. Ito naman ang paraan ng isang manunulat tungo sa mas mabisang teksto.

4. Tumutukoy ito sa mga maaaring pagbatayan ng isang manunulat sa kaniyang teksto upang ito ay

 maging makatotohanan. 

5. Sa bahaging ito nag-uugat ang lahat. 


PANIMULA:

Naitanong mo na ba sa iyong sarili kung para saan at bakit kailangan ang mga pananaliksik? Kung oo o kaya’y hindi ang iyong sagot, suriin ang pahayag na ito nina Good at Scates (1972):

                “The purpose of research is to serve man and the goal is the good life.”


PAGBASA:

Wikang Lokal at Filipino sa Pananaliksik:

Isang Naratibong Sosyolohikal*

ni Clarence M. Batan


Sipi mula sa Papel na binasa sa Hasaan 4: Pambansang Kumperensiya sa Pagpapaigting

ng Kadalubhasaan sa Wika, Panitikan at Pananaliksik, Unibersidad ng Santo Tomas-

Maynila, Oktubre 16-18, 2013.


Pinabayaan ako ng aking adviser at examiners na magsalita ng 30 minuto pero matapos ito, sila na ang nagdiskusyon. Marami silang pinag-usapang bagaybagay na natatampok sa samu’t sari nilang oryentasyon sa Sosyolohiya pero meron isang mahalagang bagay silang napagdesisyunan at napagkasunduan na walang debate, walang kontra.

Wika ng isang examiner,

“Clarence, how long have you been immersing with the people of Talim Island?”.

Tugon ko, “About four years Ma’am”.

Sambot ng isa pang examiner, “So it means that you very much know the language of Talim?”

“Their culture Ma’am, their lifeways?”, pabalik kong tanong.

“No, ‘yung Tagalog Talim. Do you speak their language?”, susog na tanong ng examiner.

“Opo, gamay ko po ang kanilang wika sa isla. Natututuhan ko na po ito dahil sa matagal kong pakikipamuhay sa kanila,” sabi ko.

Palitang-tugon ni Dr. Guerrero at mga examiners:

“E, bakit di natin bigyan ng pagkakataon si Clarence na sulatin ang kanyang thesis sa Tagalog, ang wika ng mga tao sa Talim?”

“Sa ganun, kakatawanin niya ang boses ng pamayanang kung saan siya nakikipamuhay.”

“This is one thing that we wanted to do but we cannot because we were not trained to use the local language, although we desire to approach our researches this way.”

***

Itinuturing kong ang aking unang librong TALIM: Mga Kwento ng Sampung Kabataan (Batan, 2000), na hango sa aking masteral thesis sa Sosyolohiya, ay unang nabuo sa araw ng aking proposal defense. Dahil sa araw na ito, ang aking interes na saliksikin ang sosyolohiya ng kabataang Talim ay nabigyan ng makahulugang buhay dahil sa isang mahalagang desisyon ng aking panel of examiners. Ito ay ang pagbibigay sa akin ng kapangyarihang gamitin ang wika ng isla, ang Tagalog-Talim upang magsilbing wika ng aking thesis.

Sa araw na iyon, para akong nabunutan ng tinik na bumabagabag sa paghubog ng aking kasanayan sa Sosyolohiyang Pilipino. Tinanggap ko ang hamong ito at matapos ang isang taon ng pagsusulat ng mga sinaliksik na mga datos, inimbitahan ko ang halos 20 tao mula sa Barangay Kasile, Talim Island, kasama ang aking mga youth respondents upang saksihan ang aking thesis defense. Sa awa ng Diyos, nasagot ko ang mga kritikal na tanong ng aking mga examiners at naipaliwanag ko nang maayos ang aking thesis dahil ang wikang aking ginamit, ay wika ng pamayanan, ang wika ng aking pinagsulatan

– na sa aking palagay, ay unang dapat makaintindi ng aking pananaliksik, at unang dapat balikan ng datos – dahil iyon ang akmang sosyolohiyang kumakatawan sa realidad ng kanilang buhay

- na ang salamin ay sila at hindi ang pribilehiyo ng lenteng akademya.

Doon ko naiintidihan na maituturing na kaluluwa ng pananaliksik ang wika. At kung ang ginamit na wika ng pananaliksik ay banyaga sa pagkatawan sa mga kuwento ng mga taong pinagmulan ng datos, nawawala ang tunay na espiritu ng realidad, dahil nga, isip lang ang tinatalima – nawawala at nagwawala ang kaluluwang dulot ng wika.


PAG-UNAWA SA BINASA 

Panuto: Sa iyong papel ( 1 whole), isulat ang hinihinging sagot ng bawat bilang

1. Paano idinepensa ng mananaliksik mula sa iyong sipi na nabasa ang kaniyang pananaliksik?

2. Mula sa iyong nabasa, ano sa tingin mo ang ugnayan ng wika-kultura-lipunan?

3. Bakit mahalaga na ang mga pananaliksik tungkol sa danas ng mga Pilipino ay marapat na maisulat sa Wikang Filipino?

4. Ano sa tingin mo ang maiaambag ng mga pananaliksik na nakasulat sa Wikang Filipino sa pagpapayaman at pagpapayabong ng wika at kultura ng Pilipinas?

5. Ano ang pagkaka-unawa mo sa pahayag ni Batan (2013) na: 

“At kung ang ginamit na wika ng pananaliksik ay banyaga sa pagkatawan sa mga kuwento ng mga

taong pinagmulan ng datos, nawawala ang tunay na espiritu ng realidad, dahil nga, isip lang ang

 tinatalima – nawawala at nagwawala ang kaluluwang dulot ng wika”?


SURIIN

Ang wika ay may kakayahan upang sumisid sa pinakamalalim na kaalamang bayan, liparin ang pinakamatayog na karanasan upang maibalik sa lupa at maipatalas ng ibayong talastasan at praktikang panlipunan (Bernales, et al. 2011). Ang ating wika ang nagkanlong at nagtago ng hiwaga, kasaysayan, at mayamang kaalaman ng ating bayan kung saan nahubog ang katauhan ng ating lahi na bumubuo sa ating pagkakakilanlan bilang isang Pilipino. Nakapaloob sa kaalamang ito ang dakilang nagawa ng magigiting nating mga ninuno. Sa paggamit ng wika ay mapagtitibay ang mga kaalamang ito sa kaisipan na isang mabisang sangkap upang maiwaksi ang kolonisadong pag-iisip sapagkat natatamnan ito dahil sa pagpapatibay ng pamamaraang Pilipino.

Binigyang-diin nga ni Samuel Johnson na ang wika ang nagdadamit sa ating kamalayan, samakatuwid ito ang magbibihis sa atin ng pagkakakilanlan, ang magkakaloob ng isang tatak na siyang tatak ng ating lahi.

Hindi nagtatapos sa paglikha ng bagong pananaw ang paglilinang ng wikang Filipino tungo sa paglinang din ng pambansang kultura tungo sa pagkakakilanlan, o hindi nga maaring sang-ayunan pa ang paglikha lamang ng isang bago at wastong pananaw bagkus ang pagsasangkot ng sariling wika sa pagkilos ng sariling dila. 

Ang wika ay maari ring itulad sa isang pirasong papel na ang kabilang mukha ay ang kaisipan at ang kabila ay ang tunog ayon kay Ferdinand de Saussure. Hindi maaring sa paggupit ng papel, mahahati ang kaisipan at ang tunog. Anumang bahagi ng putol, magtataglay kapuwa ang mga ito ng kaisipan at tunog. At ang pagtataglay ng wika na kaisipan at tunog ay kakanyahan nito (Peña et. al 2012). Bigyan ng higit na pansin na ang kaisipan at tunog ay hindi mapaghihiwalay sa wika. Kung nakapaloob sa wika ang kaisipan ng kultura at ang wika ay mamumutawi sa ating dila, hindi ba’t mamumutawi rin naman ang kultura sa atin at sa pagkaalam ng kultura ay matutukoy natin ang ating pagkakakilanlan? Kaya naman, nararapat na ang wikang Filipino ay higit na nararapat maunawaan higit sa mababaw na pagkaunawa lamang upang nararapat na magkaroon tayo ng kritikal na pag-unawa sa ating kultura.

Malaki ang ganap ng mga pananaliksik na nakasulat sa wikang Filipino tungo sa pagtataguyod ng pambansang identidad. Ang pagtatangka ng sinoman na gumamit ng sariling wika  upang maitanghal ang danas-panlipunan ay magdudulot ng kainaman sawika at kultura ng espasyong  paglalaanan ng mga ganitong pananaliksik.


GAWAIN 2.

Basahin at unawain ang akda ni Prop. Jay Yacat na may paksang “Tungo sa Isang Mas Mapagbuong Sikolohiya: Hamon sa Makabagong Sikolohiyang Pilipino.” Punthan ang link na:

https://www.researchgate.net/publication/301689625_Tungo_sa_Isang_Mas_Mapagbuong_Sikolohiya_Hamon_sa_Makabagong_Sikolohiyang_Pilipino


Referens:

DepEd Marikina Komunikasyon at Pananaliksik sa Wika at Kulturang Pilipino Modyul 13

2 comments:

  1. 1. Ang pag-unawa sa mga katangian ng akademikong sulatin ay mahalaga dahil nagsisilbi itong gabay sa pagbuo ng mga mahusay at epektibong sulatin. Ang mga katangian ng isang akademikong sulatin ay nagbibigay ng balangkas at direksyon sa pagsulat, na tumutulong sa mga manunulat na maihatid ang kanilang mga ideya nang malinaw, maayos, at propesyonal.

    4. Kinakailangan ba na sa pagsulat ng akademikong sulatin ay napapanahon ang mga paksang gagamitin? Bakit?
    Opo, mahalaga na napapanahon ang mga paksang gagamitin sa pagsulat ng akademikong sulatin. Ang pagiging napapanahon ng paksa ay nagbibigay ng kaugnayan at kahalagahan sa sulatin, na nagpapakita ng pagiging sensitibo ng manunulat sa mga kasalukuyang isyu at pangyayari.

    5. Ano-ano ang mga kapakinabangang dulot ng mga akademikong sulatin sa sumusunod:
    a. Mambabasa:
    - Pagpapabuti ng Pag-unawa: Ang mga akademikong sulatin ay nagbibigay ng malalim na pag-unawa sa mga paksa, na tumutulong sa mga mambabasa na masuri ang mga isyu at pangyayari.
    b. Lipunan:
    - Pagpapaunlad ng Kaalaman at Teknolohiya: Ang mga akademikong sulatin ay nagpapalaganap ng mga bagong kaalaman at teknolohiya, na nagtutulong sa pag-unlad ng lipunan.
    c. Bansa:
    - Pag-unlad ng Ekonomiya: Ang mga akademikong sulatin ay nagbibigay ng mga bagong ideya at pananaw na makatutulong sa pag-unlad ng ekonomiya ng bansa.

    ReplyDelete
  2. 2. Mula sa iyong nabasa, ano sa tingin mo ang ugnayan ng wika-kultura-lipunan?
    Batay sa sipi, makikita ang malapit na ugnayan ng wika, kultura, at lipunan. Ang wika ay isang mahalagang bahagi ng kultura ng isang lipunan. Ito ang ginagamit sa pagpapahayag ng mga kaisipan, damdamin, at mga karanasan ng mga tao sa isang partikular na komunidad.

    3. Bakit mahalaga na ang mga pananaliksik tungkol sa danas ng mga Pilipino ay marapat na maisulat sa Wikang Filipino?
    ang sipi mula kay Batan ay nagbibigay-diin sa kahalagahan ng paggamit ng Wikang Filipino sa pananaliksik tungkol sa mga karanasan ng mga Pilipino. Ang paggamit ng Wikang Filipino ay nagbibigay-daan sa mas malalim na pag-unawa sa mga konsepto at mga karanasan, mas malawak na pag-abot sa mga Pilipino, at pagpapalakas ng wika at kultura ng Pilipinas.

    ReplyDelete